Back to Home



 

 

Regional Office:

#664 Encarnacion Bldg, Brgy. 17, Rizal St., Legaspi City

Telephone number:(052)480-5227

 

August 28, 2006

Pahayag sa Midya

 

             Sanggunian: Jose Pernia

             Regional Coordinator

 

Jariz Vida, Inaresto!

Biktima ng Pandarahas at Panunupil ng Estado sa kanyang mga Kritiko!

 

Matapos harangin at tuluyang ibasura sa justice committee ng kongreso ang walong (8) impeachment case na isinampa ng iba’t-ibang grupo, organisasyon, mga pari at politiko, gusto pa ring makasiguro ni Gng. Arroyo sa kanyang pwesto.

 

Bilang tugon, mas pinatitindi ang pandarahas, panunupil at paglabag sa karapatang pantao. Tuloy-tuloy ang iligal na pag-aresto, pandurukot at pamamaslang sa lahat ng kanyang mga kritiko.

 

Si Jariz Vida, Pankalahatang Kalihim ng Bayan Muna sa Camarines Sur ay hinuli sa loob mismo ng kanyang bahay kahapon (Linggo Agosto 27, 2006) matapos ang kanyang programang ”Pamana ng Lahi” sa DZGE isang istasyon ng radyo sa Canaman, Camarines Sur.

 

Siya ay hinuli dahil sa malisyosong akosasyon na diumano siya’y isang NPA. Walang kahihiyang ginamit ng AFP ang korte ng siya ay sampahan ng kasong frustrated murder. Ang naturang kaso ay resulta ng ginawang pagsasangkot kay Vida sa diumano’y atake ng mga NPA sa Bicalen, Presentacion noong Hulyo 14, 2005. Ang petsa na kung saan katatapos pa lamang ng 3 araw na caravan ng mga bikolano papunta sana ng maynila subalit hinarang at pinigilang makaalis ng TMG-Bikol kasama ang buong pwersa ng AFP/PNP sa Camarines Sur. Si Jariz ang isa sa naging lider ng tatlong araw na caravan.

 

Luma at matagal ng gimik ng rehimeng Arroyo ang pagkaso sa kanyang mga kritiko. Ito lamang ang naiisip na paraan ang peke at papet na pangulo upang takutin at pahinain ang loob ng sinumang maghangad ng katotohanan sa likod ng kanyang pakikipag-usap kay Garcillano at malawakang pandaraya noong 2004 eleksyon, korupsyon at pamamaslang sa hanay ng aktibista at mamamayan.

 

Si Jariz Vida ay masugid na kritiko ni GMA. Sa katunayan, isa siya sa nagsampa ng impeachment case kay PGMA noong buwan ng Hulyo.

 

Sampal sa mukha ni GMA ang 10 week deadline at Melo Commission na pawang binuo at pinagmayabang ni GMA upang solusyunan ang serye ng patayan sa hanay ng aktibista at mamamayan. Malinaw na ngayon sa mamamayan na ang pamahalaan gamit ang AFP/PNP at paramilitary groups ang nasa likod ng pagpaslang, pambubusal at panunupil.

 

Inaresto si Jariz sa kabila ng kawalang imbestigasyon at ”due process of law”. Hindi siya binigyan ng pagkakataon marinig ang kanyang panig.

 

Mas lalong nararamdaman ngayon ng mamamayan ang bigwas ng 2 taong palugit ni GMA na diumano’y paglipol sa mga terorista at NPA. Malinaw ang mensahe ng 2 taong deklarasyong ito ni GMA. Ang inilulunsad na gyera ng pamahalaan ay gyera laban sa mga kritiko ng pangulo at kumukontra sa kanyang pamamalakad.

 

NPA ang turing ng gobyernong ito sa sinumang naghahanap ng katotohanan, pagbabago at hustisyang panlipunan.

 

Ang pandarahas kay Jariz Vida ay mas lalong magbibigkis at magpapalakas sa mamamayang sawa na sa isang pangulong punong-puno ng kasinungalian, pandaraya, pandarahas habang patuloy ang malawakang kahirapan ng mamamayan.

 

ITIGIL ANG PAMPULITIKANG PANUNUPIL!

JARIZ VIDA, PALAYAIN!