PAGTUTUOS (alay kay Cris) Kung tutuusin, katulad namin, normal lang ding estudyante si Cris. Nariyang muntikan nang mahuling umiidlip sa klase, inip nang makapagnakaw ng saglit para magyosi. Nariyan rin, sigurado, na pumasok nang walang ligo’t ahit, mahabol lang ang pinagpuyatang exam na muntik pang sumabit. Tulad namin, naranasan rin ni Cris magtipid ng badyet, makaipon lang ng pang-date o pang-ukay ng damit. Tulad namin, napalaban rin siya sa inuman, di rin umurong sa kantahan. Tulad namin, naranasan rin niyang magmahal at mahalin, mangulit at kulitin. Tulad namin, naranasan rin niyang humalakhak, at umiyak. Marso disinuwebe, normal na gabi sa kanyang normal na buhay, tatlong berdugong bala ang nagpasabog sa kanyang puso… Kung tutuusin, bakit nila papatayin si Cris? Sapagkat, hindi tulad ng marami sa amin, natuto si Cris mangarap na hindi iniisip ang sariling sarap. Napagtanto niyang hindi katapusan ng pangangarap ang pagtatapos lang sa eskwelahan. Naunawaan niyang hindi sapat ang sariling kaginhawahan samantalang sa paligid, nagtitiis ang buong bayan. Bakit nila papatayin si Cris? Sapagkat, hindi tulad ng marami sa atin, natuto siyang magmahal sa kanyang bayan; natuto siyang magalit kapag ginigipit ang mamamayan. Bakit sila pumapatay ng taong nangarap lang at nagmahal? Sapagkat baligtad na ang mundo. Banal na ang mga kriminal. Namumuno na ang mga pusakal, at nananalakay na ang dapat nagtatanggol. Baligtad na ang mundo, pinapatay na ang mga taong nangangarap at nagmamahal. Kung tutuusin… Tumugon lang si Cris sa tawag ng panahon. Tinanggap niya ang hamon nito, sapagkat buo ang tiwala niyang sa pamamagitan ng pagtutol, maibabalik sa katuwiran ang lipunan. Ngunit pinaslang siyang nangangarap at nagmamahal. Sa pagtutuos, tayong sambayanan ang gagawad ng katarungan kay Cris. Tayo ang bubuhay sa kanyang pangarap, tayo ang magpapatuloy sa kanyang pagmamahal. Sa dakilang araw ng pagtutuos, babaligtarin natin ang mundo, para maituwid ito sa katarungan…