|
Pahayag sa Midya
Disyembre 22, 2006
Pamamaslang: Pamaskong Handog sa Mamamayan!
“Walang pagkain sa mesa, walang tirahan at
kabuhayan sa araw ng kapaskuhan. Wala na ngang regalo, inaalisan pa
ng karapatang mabuhay”.
Kalunos-lunos ang kalagayan ng mamamayang
Bikolano matapos ang bagyong Reming. Wala pa ring tirahan at
pagkaing pagsasaluhan sa nalalapit na kapaskuhan. Pinalala pa ang
ganitong kalagayan sa magkakasunod na kaso ng pagpaslang.
Alas 11:00 ng umaga ngayong araw, pinatay si
Francisco ‘Iko” Bantog sa opisina ng turismo sa Donsol Sorsogon. Si
Iko ay opisyal ng Bayan Muna sa Sorsogon at tumatayong Municipal
Coordinator ng Donsol, Sorsogon.
Matapos ideklara ni GMA ang dalawang taong
taning upang diumano’y lipulin ang CPP-NPA-NDF, mga aktibista at
mamamayang naghahangad ng pagbabago, katotohanan at katarungan ang
naging pangunahing biktima. Umabot na sa 129 ang kabuuang bilang ng
pinatay sa Bikol habang 802 sa buong bansa.
Sa talaan ng KARAPATAN-Bikol, si Francisco ay
ika-41 sa mga kaso ng pagpaslang sa rehiyon ngayong taong 2006. Sa
loob lamang ng dalawang lingo ngayong buwan, naitala ang apat na
kaso ng pampulitikang pamamaslang. Si Cris Frivaldo noong Desyembre
11 at sina Atty. Gil Gojol at Danilo France noong Desyembre 12.
Ramdam ng administrasyong Arroyo ang
pagbagsak ng kanilang pekeng pangulo dahil sa lumalawak na pag-aalsa
bunga na rin na mga isyu ng korupsyon, pandaraya sa nagdaang halalan,
at pagkabigo na maiangat ang kabuhayan ng mamamayan. Desperado itong
manatili at patahimikin ang sinumang sumuway sa kanyang anti-mamamayang
programa at patakaran.
Pagpaslang! Ito ang mensahe ng papet, pasista
at pahirap sa masang si Gloria sa lahat ng kanyang mga kaaway. Handa
niya itong gawing regalo sa kanyang mga kritiko kahit ngayong
kapaskuhan.
ITIGIL ANG PAMAMASLANG!
HUSTISYA PARA SA MGA BIKTIMA NG PAMPULITIKANG PAMAMASLANG!
HUSTISYA PARA KAY FRANCISCO BANTOG!
MAKIBAKA, HUWAG MATAKOT!
PATALSIKIN ANG PAPET, PASISTA AT PAHIRAP SA MASANG SI GLORIA!
Sanggunian:
John Conception, KARAPATAN-Bikol
Fred Mansos, BAYAN-Bikol |