|
|
Matapos ideklara ang Oplan Bantay Laya II
9 biktima mula sa Sorsogon at Albay
ang pinaslang!
January 24, 2006 Media Statement
Pagbungad pa lang ng unang buwan ng taong 2007, kaliwa’t kanan na
ang pagpaslang sa mga aktibista, kasapi at simpatisador ng mga
militanteng organisasyon at progresibong partylist na Bayan Muna sa
rehiyong Bikol.
Matapos ideklara ng gobyernong Arroyo ang Oplan Bantay Laya 2 noong
Disyembre 19, 2006, siyam (9) agad ang pinaslang ng AFP-PNP-CAFGU sa
mga lalawigan ng Sorsogon at Albay. Una naging biktima ng pagpaslang
si Efren Bantog Municipal Coordinator ng Bayan Muna sa Bayan ng
Donsol. Sumunod si Rodolfo Alvarado Jr, ang ika-anim na nominado at
Regional Project Officer ng Partidong Bayan Muna.
Ngayon buwan, pito (7) ang biktima ng pamamaslang gamit ang mga
bayarang death squad militar. Si Efren Llona, magsasaka ng Brgy.
Dinapa, Castilla Sorsogon ay kinuha sa kanilang bahay noong Enero 7,
at nakuha ang bangkay nito noong Enero 10 sa Brgy. San Isidro,
Castilla, Sorosogon. Bakas sa kanyang katawan ang tortyur at iba
pang pagpapahirap. Kahapon Enero 23, isinunod si Kagawad Charlie
Mirandilla, isang magsasaka, binaril habang nasa kanyang taniman
dakong alas-10:30 ng umaga sa Brgy. San Vicente, Castilla, Sorsogon.
Nagtangka sana itong tumakbo subalit inabutan ng mga elemento ng
death squad lulan ng DT motorbike. Bandang tanghali naman, binaril
ng dalawang armadong nakasakay ng motorsiklo si Ruben Ermino,
tricycle driver sa Brgy. Tabi, Gubat, Sorsogon. Kinilala ng mga
nakasaksi ang isang salarin sa bansag na “Babalu”, isang ahente ng
Military Intelligence Group (MIG) na nakadestino sa bayan ng Gubat.
Tinadtad naman ng bala ng mga armadong nakabonet si Demetrio
Imperial, 26 taong gulang habang naghahapunan sa harap ng kanyang
asawa at isang taong gulang na anak. Naganap ang pangyayari sa Brgy.
Sogoy, Castilla, Sorsogon.
Bago nito, binaril hanggang sa mapatay ng death squad ng militar si
Brgy. Kapitan Ananias Burce ng Brgy. Oras, Tabaco City noong araw ng
linggo bandang tanghali ng Enero 21. Sumunod na araw, natagpuan
patay sa Brgy. Sabluyon, Ligao City si Julio Camero isang driver, na
taga Ligao City na diumano ay kasama ng kinilalang Miguel Dayandante
na natagpuan rin patay kasama ni Camero.
Ang sunod sunod na pagpatay ay nakabalangkas sa ipinapatupad na
programang anti-insuhensiya ng Gobyernong Arroyo sa ilalim ng Oplan
Bantay Laya 2. Subalit bigo ang mga rehimen sa mga nauna nitong mga
Oplan tulad ng Oplan Lambat Bitag, Oplan Makabayan at Oplan Bantay
Laya I. Mananatiling matatag at palaban ang mamamayang Bikolano
upang labanan ang iba’t-ibang anyo ng paglabag sa karapatan pantao.
Hinahamon ng KARAPATAN-BIKOL ang Gobyernong Arroyo, kasama na ang
kanyang armadong pwersa, (AFP-PNP) at iba pang ahensya ng gobyerno
lalo na ang Commission on Human Rights (CHR) na seryosong magsagawa
ng imbestigasyon para sa mabilis na paglutas ng mga kasong pagpatay
sa rehiyon. Ayon sa talaan ng Karapatan Bikol umaabot na sa 137 ang
pinatay, simula ng maluklok si Gng. Arroyo noong 2001 hanggang sa
kasalukuyan. #
Sanggunian:
John Concepcion, Tagapagsalita KARAPATAN-BIKOL
email: karapatanbikol@yahoo.com |