Back to Home



 

  Pagpatay Kay Farly Alcantara II
Kagagawan ng "Death Squad" ng Gobyernong Arroyo!

Pahayag sa Midya Pebrero 17, 2007

Habang abala si Philip Alston ng UNCHR Special Rapporteur sa pakikipag-usap sa Gobyernong Arroyo upang imbestigahan ang mga Extra-judicial Killings sa bansa, isa na namang pinatay ng death squad ng rehimeng Arroyo sa katauhan ni Farly Alcantara II, 22 taong gulang at magtatapos sana sa kursong Business Administration Major in Economics sa Camarines Norte State College (CNSC) sa Bayan ng Daet Camarines Norte.

Si Alcantara II ay pinagbabaril noong Pebrero 15, 2007, sa ganap na 9:45 ng gabi habang papalabas ng CNSC sakay ng kanyang scooter. Siya ay nagtamo ng limang (5) tama sa ulo na kanyang ikinamatay.

Naninindigan ang KARAPATAN-BIKOL na death squad ang may kagagawan ng pagpatay sapagkat ang lugar ng insidente ay humigit kumulang 300 metro ang layo sa istasyon ng pulisya ngunit hindi agad nakarating ang operatiba ng pulis kundi pa sinundo ni Dr. Sonia Carbonel, empleyado ng CNSC.

Si Farly ay dating tagapagsalita ng League of Filipino Students (LFS) Cam. Norte na isa sa itinuturing na kaaway ng estado sa dokumentong Knowing the Enemy ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Siya ay nakipaglaban para sa mga demokratikong karapatan ng mga mag-aaral sa CNSC at nanindigan laban sa mga maling patakaran ng Gobyernong Arroyo.

Ayon sa talaan ng KARAPATAN-Bikol sa mga pinaslang, ika-137 na biktima si Alcantara II, pang walo (8) sa Probinsya ng Camarines Norte at pang siyam (9) ngayong taon sa ilalim ng rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo.

Hanggang ngayon wala pa ring linaw ang mga imbestigasyon at hustisyang nakukuha ang mga kaanak ng biktima ng terorismo ng estado. Ang kaso ni Farly ay bahagi ng anti-insurhensyang programa ni Arroyo, ang Oplan Bantay Laya II. Tanging layunin nitong iwasiwas ang pandarahas, pagpaslang at takutin ang anti-Arroyo lalo na ang militante at progresibong organisasyon.

Nananawagan ang KARAPATAN-BIKOL na sama-samang labanan ang nabubulok na rehimeng Arroyo hanggang siya ay mapatalsik sa pwesto. Hinihiling din sa U.N. Rapporteur na si Philip Alston na palalimin ang imbestigasyon sa lahat ng kaso ng Extra-judicial killings sa Pilipinas upang magkaroon ng katarungan ang mga naging biktima ng pampulitikang pamamaslang.

JUSTICE FOR FARLY ALCANTARA II AND ALL VICTIMS OF STATE TERRORISM!
STOP EXTRA-JUDICIAL KILLINGS IN BICOL!
BIGUIN ANG OPLAN BANTAY LAYA NG ESTADO!


Sanggunian:

John S. Concepcion, Tagapagsalita
KARAPATAN-BIKOL
Alliance for the Advancement of People’s Rights


G/F Encarnacion Bldg., Rizal St., Brgy. 17, Legazpi City
Tel: (052) 480-5227
email: karapatanbikol@yahoo.com