|
|
Lider
Estudyante sa Camarines Norte, Pinaslang
Press Release February 16, 2007
Kagabi Pebrero 15, bandang alas 9:45 pinaslang si Farly Alcantara
II, 22 taong gulang sa labas ng kanilang paaralan sa Camarines Norte
State College, sa Bayan ng Daet, nagtamo siya ng limang tama ng bala
sa kanyang kaliwang sentido at namatay sa mismong pinangyarihan ng
krimen. Si Alcantara ay dating tagapagsalita ng League of Filipino
Students sa Camarines Norte at dating opisyal ng konseho ng nasabing
kolehiyo. Siya ay magtatapos na sana ng kanyang kursong Business
Administration major in Economics ngayong taon.Si Alcantara ang
ika-apat na kabataang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa Bicol.
Pagkatapos ng araw ng mga puso heto at mayroong nakakapangilabot na
regalo sa mga kabataan si Ginang Gloria Macapagal Arroyo. Hindi
makayang tugunan ng pamahalaan ang mga lehitimong kahilingan ng mga
kabataan kaya’t ang tanging rekurso nila ay maghasik ng pasismo at
terorismo.
“Hindi pa man nabibigyang linaw ang pagpalang sa tatlong lider
estudyante may panibago na namang desperadong aksyon ang
administrasyon upang takutin at patahimikin ang mga kabataan na ang
tanging hinahangad lamang ay magkaroon ng tunay na reporma sa
edukasyon”, pahayag ni Emmanuel Gutierrez, panrehiyong tagapag-ugnay
ng League of Filipino Students sa Bicol. Dagdag pa ni Gutierrez,
“mariing kinukondena ng kanilang hanay ang pamamaslang na ito at
patuloy nilang ipapanawagan ang paghingi ng katarungan at hindi sila
patatakot at itutuloy ang makabuluhang laban na inumpisahan ng mga
martir na kabataan.”
“Sagad-sagaran na ang paglalapastangan ng administrasyon at ng mga
berdugong militar sa karapatan ng mga kabataan at mamamayan sa Bicol”,
pahayag ni Marites Lopez tagapagbuo ng ANDHRM. “Ang ganitong aksyon
ng administrasyon ay malinaw na nagpapakita lamang ng takot sa
lumalawak na hanay ng mga kabataang nagnanais na matanggal sa
posisyon ang pasistang si Gloria Macapagal Arroyo”, ayon pa kay
Lopez.
“Ang buong hanay ng mga kabataan at kabataang estudyante ay buong
tapang at lakas na kikilos upang kondenahin ang pamamaslang na ito
sa isa na namang lider estudyante hindi kami titigil hanggat hindi
nanagot ang pamahalaang Arroyo sa mga pamamaslang na ito sa aming
hanay”, dagdag pa ni Lopez.
“Lalo pa naming paiigtingin ang aming mga pagkilos at patuloy naming
palalawakin ang aming hanay upang wakasan ang terorismong ito ng
estado”, pagtatapos ni Gutierrez. ###
Reference: Emmanuel Gutierrez, LFS-Bicol
ANDHRM ACT NOW TO DEFEND HUMAN RIGHTS AND MORALITY
c/o Bicol University, University Student Council |